
Weird daw ako.
Kasi hindi raw ako nagsasalita kahit kinakausap. Kasi wala raw akong emosyon sa mga kaganapan. Kasi mag-isa lang ako kumakain. Kasi mag-isa lang akong umuuwi. Kasi wala raw akong sinasamahan na lakad. Kasi NR (no reaction) lang daw ako palagi. Tulala. Malayo ang tingin. At kung anu-ano pa.
Weird daw ako.
Kasi wala raw akong kaibigan. May sariling mundo. May sariling kausap. Walang opinyon. Walang suhestiyon.
Pero akala lang nila ‘yon.
Kasi para sa akin,
Sila ang weird.
Nagsasalita kahit hindi kailangan. Umeepal kahit hindi kausap. Nakikisali kahit wala naman silang kinalaman. Nagbibigay ng opinyon kahit hindi naman hinihingian. At kung anu-ano pa.
Napaka weird talaga nila.
Makikipagbreak sa boyfriend pero iyak naman ng iyak. Sinisiraan ang katrabaho pero lagi naman niyang kasama. Naka iphone 6 plus pero laging walang load. May dala-dalang sasakyan kahit na 100 metro lang ang layo ng tirahan niya. Ang arte-arte magsalita kahit wala namang brace. At kumakain sa turo-turo matapos mag-inaso na takot daw siya magkasakit ng typhoid.
Kaya kahit anong pilit nila. Hindi ko sila kinakausap. Hindi ko lang feel. Wala akong pakialam. Akala lang nila wala akong kaibigan pero akala lang nila ‘yon.
Si Aron.
Kasama ko na siya tuwing umaga simula bata pa lang ako. Kalaro. Kabiruan. Katawanan. Hanggang ngayon na nagta trabaho na ako ay kasama ko pa rin siya lagi. Hindi ko nga alam kung anong school siya pero lagi ko siyang katabi dati pa. Hindi nag-u-uniporme. Hindi nagsasapatos, pero hindi siya nakagalitan ng teacher namin kahit isang beses.
Si Betty.
Nakasama namin siya ni Aron pagkatapos kong magkasakit dati. Sakitin din siya at nakilala ko siya isang umaga no’ng inilabas ako para maarawan sa ospital na halos tinirhan ko ng isang buwan no’ng 12 anyos pa lang ako. At pagkatapos ng isang buwan na ‘yon, lagi na rin kaming magkasama. Malapit lang ata bahay nila sa amin kaya kahit hanggang hapon minsan ay andun pa siya. Parang si Aron. Hindi niya rin ako iniiwan.
Si Caloy.
Nito ko na lang nakilala si caloy isang araw habang naglalakad ako sa kung saan. Taliwas sa ugaling masayahin nila Aron at Betty, lagi namang nakasimangot si Caloy taga-kontra sa mga rules ng laro. Taga supalpal sa mga biruan at tawanan. KJ nga ang tawag namin sa kanya. Pero kahit ganoon, hindi niya rin ako iniwan. Hindi katulad ng mga magulang ko at mga kamag-anak. Pagkatapos ko kasing maulila ay pinaampon na ako kung kani-kanino. Pare-parehas sila.
Kaya pagkatapos no’n, hindi na ko interesado sa ibang tao. Wala akong pakialam. Wala.
Si Aron, si Betty at Caloy.
Sila lang ang mga kaibigan ko. Mabuti na lang at nakilala ko sila. Salamat sa mga taong iniwan sila sa kung saan. Silang tatlo lang ang katulad ko ng pinagdaanan.
Kahit na hindi sila pwedeng magpa-abot ng dapit-hapon kapag magkakasama kami. Kahit na hindi sila nagpapalit ng damit at ng kulay ng suot. Kahit na hindi sila dumurumi o pinagpapawisan. Kahit na wala silang mukha. Kahit na kakulay nila ang usok sa edsa.
Wala akong pakialam.
Weird kayong lahat.k